MANILA, Philippines — Muling namayagpag ang bandila ng Pilipinas sa world stage matapos masungkit nina Johann Chua at Zoren James Aranas ang korona sa prestihiyosong 2023 World Cup of Pool kahapon sa Pazo de Feiras e Congresos de Lugo sa Spain.
Inilabas nina Chua at Aranas ang bagsik nito para igupo sina Joshua Filler at Moritz Neuhausen ng Germany sa pamamagitan ng 11-7 iskor sa championship round.
“I feel great. It feels amazing to win a world title. It’s such an honor to win with James. We’ve known each other since we were 13 years old. We went to school together. To win with him is amazing. This has always been our dream. It’s a special achievement to win the World Cup of Pool,” ani Chua.
Mabilis na umabante ang Germans sa pagsisimula ng laban nang kunin nito ang 2-1 bentahe.
Subalit umarangkada ng husto sina Chua at Aranas nang sunud-sunod nitong makuha ang walong racks para agawin ang kalamangan, 9-2.
Nagawang makadikit ng Germans sa 7-9. Subalit iyon na lamang ang nakayanan nito nang kubrahin nina Chua at Aranas ang dalawang sumunod na racks para makuha ang panalo.
Ito ang ikaapat na korona ng Pilipinas sa World Cup of Pool para maging winningest team sa naturang torneo.