MANILA, Philippines — Biyaheng Japan na ang Gilas Pilipinas big man na si AJ Edu upang maglaro para sa Toyama Grouses sa B. League.
Sa pahayag ng koponan kahapon ay pumirma na ng kontrata si Edu para sa 2023-2024 Season bilang Filipino import nila sa ilalim ng Asian Player Quota program.
Ito ang professional league debut ng Filipino-Nigerian standout matapos ang kampanya para sa Toledo Rockets sa US NCAA tampok ang sunud-sunod na injuries.
Todo na uli ang puwersa ng 6-foot-10 center at handa nang makipagsabayan sa Japan kung saan din naglalaro ang iba pang Filipino imports tulad ni Kai Sotto ng Hiroshima Dragonflies.
Unang nagtambal sina Edu at Sotto sa Gilas Pilipinas youth noong 2019 FIBA U19 World Cup sa Greece kung saan nadale ng ACL injury si Edu.
Ngayon ay magkakasama ulit ang twin towers na pareho ring pambato ng Gilas sa 21-man training pool para sa 2023 FIBA World Cup.
Inaasahan ang malaking tulong ni Edu sa Toyama na nagkasya lang sa ika-22 puwesto nitong nakaraang season sa masagwang 15-45 kartada.
Dating team ni Dwight Ramos, miyembro din ng Gilas pool para sa World Cup, ang Toyama bago siya lumipat sa Levanga Hokkaido.
Ilan pa sa mga Pinoy imports na naglalaro sa Japan ay sina Kiefer at Thirdy Ravena, Ray Parks at Jordan Heading na bahagi din ng Gilas pool.