Boss Emong sasali sa Gran Copa

MANILA, Philippines — Masisilayan muli ang tikas ng Boss Emong ma­tapos maghayag ng pagsali ang kanyang connections sa magaganap na 2023 PHILRACOM “Gran Copa De Manila Cup” na pakakawalan sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas sa Hunyo 24.

Nahirang na Philippine Sportswriters Association, (PSA) Horse of the Year awardee, makakatapat ng Boss Emong ang anim na dekalidad na kabayo sa distansyang 1,600 meter race.

Nakalaan ang P1M guaranteed prize, ang ibang nagsaad ng pagsali ay ang Don Julio, Gomezian, Jungkook, Life Gets Better, Robin Hood at Magtotobetsky.

Sasakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate ang Boss Emong, target nilang masilo ang premyong P600,000 habang mapupunta sa second placer ang P225,000.

Hahamigin naman ng third ang P125,000 habang P50,000 ang i-uuwi ng pang-apat na kaba­yong tatawid sa finish line sa karerang suportado ng PHILRACOM..

May kukubrahin din ang breeder ng winning horse na P50,000, P30,000 sa second habang P20,000 sa third, ayon sa pagkakasunod.

Ayon sa komento ng mga karerista sa social media, ang magka-kuwadrang Robin Hood at Magtotobetsky ang posibleng magbigay ng magandang laban sa inaasahang magiging lliyamadong Boss Emong.

Show comments