Miami dikit na sa NBA Finals

Ginamit ni Kyle Lowry ang screen ni Cody Zeller para makawala kay Marcus Smart ng Celtics sa Game 3 ng Eastern Conference finals.

MIAMI -- Humataw si point guard Gabe Vincent ng career-high 29 points habang may 22 markers si Duncan Robinson sa 128-102 pagmasaker ng Heat sa Boston Celtics sa Game Three para sa 3-0 lead sa kanilang Eastern Confe­rence title series.

Nag-ambag si Caleb Martin ng 18 points at may 16, 13 at 10 markers sina Jimmy Butler, Bam Adebayo at Max Strus, ayon sa pagkakasunod, sa paglapit ng Miami sa sweep at tiket sa NBA Finals.

“That was a solid, mature, professional approach,” ani Fil-Am coach Erik Spoelstra na target ang ikaanim na NBA Finals. “There’s a lot of pent-up stuff here and we’re getting closer, but we still have to finish this off.”

Wala pang koponan sa NBA history na nakabangon mula sa isang 0-3 butas at naipanalo ang serye.

May 14 points si Jayson Tatum sa panig ng Boston habang may 12 markers si Jaylen Brown.

“I just didn’t have them ready to play,” wika ni Celtics’ coach Joe Mazzulla. “Whatever it was, whether it was the starting lineup or an adjustment, I have to get them in a better place, ready to play. That’s on me.”

Isang 28-7 atake ang ginawa ng Miami mula sa dikitang first half para iposte ang 33-point lead, 89-56, sa third quarter na hindi na naputol ng Boston hanggang sa fourth period.

Nakatakda ang Game Four bukas kung saan puntirya ng Heat na tuluyan nang mawalis ang Celtics patungo sa NBA best-of-seven championship series.

Magsisimula ang NBA Finals sa Hunyo 1.

Hawak din ng Denver Nuggets ang 3-0 lead sa kanilang Western Conference finals duel ng Los Angeles Lakers.

Umiskor ang Nuggets ng 119-108 panalo sa La­kers sa Game Three para makalapit sa inaasam na kauna-unahang NBA Finals sa 47 taon sa liga.

Inaasahan ni Denver star guard Jamal Murray na hindi basta-basta susuko si LeBron James at ang Los Angeles.

 Bagama’t naipanalo ang kanilang 15 playoff series ay hindi pa nakaka-sweep ang Nuggets ng kanilang kalaban.

Posibleng ang Lakers ang maging kauna-unahan nila.

Show comments