MANILA, Philippines — Nagsilbing liwanag sa kampanya ng Pilipinas si Filipino-American Eric Cray matapos angkinin ang gintong medalya sa men’s 400-meter hurdles kahapon sa 32nd Southeast Asian Games athletics competition sa Morodok Techo Stadium sa Phnom Penh, Cambodia.
Nairehistro ni Cray ang impresibong 50.03 segundo para madepensahan ang kanyang korona sa naturang event.
Pinataob ni Cray sina Natthaphon Dansungnoen ng Thailand na nagkasya sa pilak tangan ang 50.73 segundo at Jun Jie Calvin Quek ng Singapore na naglista ng 50.75 para sa tanso.
Ito ang ikaanim na sunod na korona ng 34-anyos hurdler sa kanyang paboritong event.
Una nang nagkampeon si Cray noong 2013 edisyon sa Myanmar kasunod noong 2015 sa Singapore, 2017 sa Malaysia, 2019 sa Pilipinas at 2021 edisyon sa Vietnam.
Matapos ang karera, itinaas ni Cray ang kanyang kamay na nagsesenyales ng anim.
Patungkol ito sa ikaanim na kampeonato na maihahalintulad sa tagumpay ni Michael Jordan sa NBA.
“Six! You know last year was the year of Kobe (Bryant) that was five (championships) and now it’s six — Jordan — so just a little thing I get going with my coach,” ani Cray.
Umaasa si Cray na madaragdagan pa ang ginto nito dahil sasabak pa ito sa ibang events ngayong araw.