Sotto, Hiroshima balik sa porma

MANILA, Philippines — Bumalikwas agad ang Hiroshima Dragonflies matapos matalisod noong nakaraang nang sagasaan ang Toyama Grouses, 81-70, sa umaatikabong Japan B. League regular season sa Kurobe City Sports Center.

 Nagkasya lang sa 4 points ang pambatong Filipino import na si Kai Sotto subalit humakot sa lahat ng departamento sa likod ng 9 rebounds, 6 assists, 1 steal at 3 tapal sa 23 minutong aksyon bilang regular starting center ng Dragonflies.

 Sinuportahan sia nina Nick Mayo, Dwayne Evans II, Kerry Blackshear at Toshiki Kumisawa na may 21, 19, 14 at 13 markers, ayon sa pagkakasunod para sa Hiroshima.

 Pinagpag ng Dragonflies ang 90-88 kabiguan kamakalawa kontra sa Nagoya Diamond Dolphins na pumutol sa three-game winning streak nila.

 Subalit lintik lang ang walang ganti ngayon para sa Hiroshima na napatatag ang kapit sa No. 5 spot hawak ang 32-12 kartada. 

Nagrerehistro si Sotto ng 14.6 puntos at 7.0 rebounds para sa Dragonflies sa anim na salang simula nang lumipat siya mula sa Adelaide 36ers sa Australia National Basketball League, kung saan siya naglaro ng dalawang taon.

 Magsasagupa uli ang Hiroshima at Toyama, na may 8-36 kartada sa ika-22 puwesto ng 24-team B. League Division I, ngayon sa alas-1:05 ng hapon. (JB Ulanday)

 

Show comments