Cool smashers umusad sa finals
MANILA, Philippines — Matikas na inilampaso ng defending champion Creamline ang F2 Logistics, 25-22, 25-23, 25-16, para umentra sa finals ng PVL All-FIlipino Conference kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Winalis ng Creamline ang best-of-three semifinals series para masiguro ang pagbabalik sa finals.
Laglag sa battle-for-third ang Cargo Movers.
Samantala, nakabangon ang PLDT Home Fibr sa mabagal na simula para harangin ang Petro Gazz sa bendisyon ng 14-25, 25-23, 25-14, 25-15 desisyon upang makahirit ng Game 3.
Naging matibay na sandalan ng PLDT si opposite hitter Michelle Morente na humataw ng 16 puntos upang tulungan ang High Speed Hitters na maitabla sa 1-1 ang best-of-three semifinals series kontra sa Gazz Angels.
Matatandaang nakauna ang Gazz Angels nang itarak nito ang 22-25, 25-29, 25-21, 25-18 panalo sa High Speed Hitters sa Game 1 ng serye noong Sabado sa Philsports Arena.
Nakatuwang ni Morente si Jovielyn Prado na naglatag ng solidong all-around game na 15 points, 11 digs at 10 receptions.
Nakalikom naman sina middle blocker Mika Reyes at outside hitter Meanne Mendrez ng tig-11 puntos habang naglatag ng solidong floor defense si libero Kath Arado na may 26 digs at 12 receptions.
Nakaatake ang High Speed Hitters sa tulong ni playmaker Rhea Dimaculangan na nagtala ng 25 excellent sets.
Nanguna para sa Gazz Angels si wing spiker Jonah Sabete na humataw ng 13 puntos samantalang may tig-12 naman sina Aiza Maizo-Pontillas at Grethcel Soltones.
Subalit hindi ito sapat para makuha ng Gazz Angels ang panalo.
Dikdikan ang laban kung saan humataw ang High Speed Hitters ng 54 attacks — lamang lamang ng tatlo kumpara sa nagawa ng Gazz Angels.
Umabante ang Gazz Angels sa blocking department tangan ang 8-4 edge.
Subalit malaking sakit sa ulo ng Petro Gazz ang 26 errors na nagawa ng buong tropa sa laro.
- Latest