Irving itinakas ang Mavericks sa Jazz

Lumiyad si Kyrie Irving ng Dallas Mavericks para makaiwas kay Talen Horton-Tucker ng Utah Jazz.
STAR/ File

DALLAS, Philippines — Isinalpak ni Kyrie Irving ang isang clutch 3-pointer at tumapos na may 33 points para sa 120-116 pagtakas ng Mavericks sa Utah Jazz.

Nagdagdag si Luka Doncic ng 29 markers at 10 rebounds, samantalang may 24 points si Tim Hardaway Jr. para sa Dallas (34-32) na tumabla sa fifth place sa Western Conference.

Umiskor si center Lauri Markkanen ng 33 points, habang may 21 markers si Talen Horton-Tucker sa panig ng Utah (31-35).

Hindi naglaro sina Fil-American shooting guard Jordan Clarkson (sprained finger) at center Walker Kessler (non-COVID illness).

Ang triple ni Irving ang nagbigay sa Mavericks ng 115-108 abante sa huling 2:33 minuto ng fourth quarter na bahagi ng kanilang 8-0 atake.

Inilapit naman ni Horton-Tucker ang Jazz sa 116-118 mula kanyang free throw sa huling  3.7 segundo.

Sa Houston, tumipa si forward Mikal Bridges ng 30 points, habang may 23 markers si Spencer Dinwiddie para sa 118-96 panalo ng Brooklyn Nets (37-28) sa Rockets (15-50).

Sa Minneapolis, kumamada si Joel Embiid ng 39 points at may 27 markers si Tyrese Maxey sa 117-94 paggupo ng Philadelphia 76ers (43-22) sa Minnesota Timberwolves (34-33).

Sa Orlando, nagposte si Brook Lopez ng 26 points kasunod ang tig-24 markers nina Khris Middleton at Jevon Carter sa 134-123 pagsuwag ng Milwaukee Bucks (47-18) sa Magic (27-39).

Sa Los Angeles, humakot si Anthony Davis ng 30 points at 22 rebounds para akayin ang Lakers (32-34) sa 112-103 pagpulutan sa Memphis Grizzlies (38-26).

Show comments