MANILA, Philippines — Hindi uuwing luhaan ang national track and field squad matapos makasiguro si Janry Ubas ng tansong medalya sa 2023 Asian Indoor Athletics Championships na ginanap sa Astana, Kazakhstan.
Umiskor si Ubas ng 5,246 puntos para angkinin ang ikatlong puwesto sa men’s heptathlon na dinomina nina Japanese bets Yuma Maruyama (5801) at Keisuke Okuda (5497) na umani ng ginto at pilak ayon sa pagkakasunod.
Nagsumite si Ubas ng bagong Philippine record sa naturang event kung saan nalampasan nito ang dating national record na 4,565 points na nairehistro ni Jesson Ramil Cid noong 2014 edisyon ng Asian Indoor sa Hangzhou, China.
“Pinaka-aim talaga namin is mag-gold sana. First time ko sumali sa heptathlon sa indoor kaya nangangapa pa po kaya ayun ang naging performance,” ani Ubas sa panayam ng Radyo Pilipinas 2.
Malaki sana ang tsansa ni Ubas na makahirit ng ginto ngunit ibang pole ang ginamit nito sa pole vault event na hindi nito gamay.
“Sa second day, hindi ko po talaga events yung mga nilaro maliban sa pole vault. Yung pole vault ang strength ko. Kaso kinapos, wala po akong pole, nanghiram lang po ako. Nanibago ako sa ginamit ko,” ani Ubas.
Nagtala ito ng 4.70m sa pole vault event — malayo sa 4.90 hanggang 5.0m na nakukuha nito sa ensayo gamit ang kanyang sariling pole.
Nagrehistro naman si Leonardo Gorospe ng bagong Philippine indoor record na 2.15m sa men’s high jump event.
Subalit hindi ito sapat para makapasok sa podium at magkasya sa ikapitong puwesto.
Nalampasan ni Gorospe ang dating sariling national record na 2.14m na nakuha nito sa Philippine qualifying noong nakaraang linggo.