2-year ban kay Baltazar sa KBL
MANILA, Philippines — Hindi umaayon ang kapalaran para kay Justine Baltazar matapos siyang lapatan ng dalawang taon na ban ng Korean Basketball League (KBL).
Isa sa mga pangunang dahilan ng naturang parusa ang kabiguan ni Baltazar na makakuha ng mga kinakailangang dokumento para sa paglalaro niya sa naturang liga.
Masisilayan sana si Baltazar para sa kopona ng Samsung Seoul Thunder sa KBL.
Matapos maplantsa ang negosasyo ay kaagad binigyan ang 6-foot-6 na si Baltazar ng mga kailangan niyang gawin para makapunta sa South Korea.
Kabilang na rito ang pag-aayos ng visa na inisyal na kailangan para makapasok sa naturang bansa.
Subalit base sa imbestigasyon ng KBL disciplinary committee, walang isinumiteng dokumento ang kampo ni Baltazar sa Korean Embassy.
Dahil dito ay nagpasya ang pamunuan ng KBL na patawan ito ng dalawang taon na ban.
Hindi makalalaro si Baltazar sa anumang team sa KBL sa taong 2023 at 2024.
Posibleng isa sa mga dahilan ng pagkakaantala ng pag-aasikaso sa visa ni Baltazar ang paglalaro nito para sa Strong Group sa 32nd Dubai International Basketball Championship sa Dubai, United Arab Emirates.
- Latest