Alinsunurin hindi na head coach ng national team

MANILA, Philippines — Mismong si veteran mentor Dante Alinsunurin ang nagkumpirma na hindi na ito ang head coach ng men’s national volleyball team na naghahanda para sa 2023 Southeast Asian Games sa Cambodia.

Sinabi ni Alinsunurin na kinausap ito ng team ma­nager ng national team para ipaalam ang estado nito sa koponan.

Naganap ito nang tanggapin ni Alinsunurin ang tungkulin bilang head coach ng Choco Mucho sa Premier Volleyball League (PVL) na magsisimula sa Pebrero 4.

“As of now bale nakausap ko yung team manager namin, binaba na nila ako dahil sa sitwasyon. Kaya ngayon, ang hinahawakan ko na lang is yung NU men’s and Choco Mucho,” ani Alinsunurin.

Idinahilan ng team manager ng national team kung kakayanin ni Alinsunurin ang tungkulin niya sa national team at Choco Mucho.

Si Alinsunurin din ang head coach ng National University men’s volleyball team.

Dahil dito, nagpasya ang team manager ng national team na ibaba ito sa coaching staff.

Bago tanggapin ang coaching job sa Choco Mucho, nilinaw ni Alinsunurin sa pamunuan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na kaya nitong pagsabay-sabayin ang national team, Choco Mucho at NU.

 

 

Show comments