MANILA, Philippines — Nilampaso ng Righteous Ruby ang mga nakatunggali sa 2023 PHILRACOM “Japan Cup” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas noong Linggo ng hapon.
Ginabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, hindi nito minadali sa arangkadahan ang Righteous Ruby.
Pinabayaan ni Hernandez na humangos ang mga matutulin sa largahan na Enigmatic Linden at Speed Fantasy, ipinuwesto nito ang anak nina Revolutionary at God Bless Slew na Righteous Ruby sa bandang likuran
Malayo pa ang Righteous Ruby sa mga nasa unahan ng agawin ni Shastaloo ang bandera sa Enigmatic Linden sa far turn.
Subalit papalapit ng huling kurbada ay dumidikit na sa unahan ang Righteous Ruby at sa tabing balya ito dumaan.
Nagkapanabayan sa rektahan ang Righteous Ruby at Shastaloo, nanalo ang una ng may kalahating kabayo ang agwat.
Nilista ng Righteous Ruby ang 1:51.2 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si KC Dyhengco ang P600,000 premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nasilo ng Shastaloo ang second place prize na P200,000, nakopo ni third placer Time For Glory ang P100,000 habang tig P50,000 at P30,000 ang fourth at fifth ayon sa pagkakasunod.