MANILA, Philippines — Bukod kay Canadian import Andrew Nicholson ay hindi rin naglaro si point guard Glen Yang sa 91-101 kabiguan ng guest team na Bay Area sa Barangay Ginebra sa Game Five ng 2022-2023 PBA Commissioner’s Cup Finals noong Linggo.
Sa 94-86 panalo ng Dragons sa Gin Kings sa Game Four noong Biyernes ay nagtala si Yang ng 18 points, 4 rebounds at 4 assists.
Sa 2-3 pagkakaiwan ng Bay Area sa kanilang best-of-seven championship series ng Ginebra ay posibleng maglaro sina Nicholson at Yang sa Game Six bukas.
“I’d say 50-50,” sabi ni coach Brian Goorjian sa tsansa ng paglalarong muli ng 6-foot-10 na si Nicholson matapos magkaroon ng left ankle sprain sa Game Three. “We lose, we are out. It’s to that point. So if there’s any chance, we will roll the dice. I’m putting 50-50 there.”
Mas mataas naman ang pag-asang sumalang si Yang para maitabla ang Dragons sa kanilang serye ng Gin Kings.
“I’ll put 75-25 on Glen,” wika ng American-Aussie mentor kay Yang na nagkaroon din ng ankle sprain sa Game Four.
Malaki ang naging epekto sa opensa ng Bay Area ang hindi paglalaro ni Yang sa Game Five kung saan nalimitahan si Kobey Lam sa 16 points matapos humataw ng 30 markers sa kanilang panalo sa Game Four.
Pipilitin ng Dragons na bawian ang Gin Kings para makapuwersa ng Game 7 sa Biyernes.