Fighting Maroons optimistikong madedepensahan ang korona
MANILA, Philippines — Mataas pa rin ang moral ng defending champion University of the Philippines sa kabila ng kabiguan nito sa Game 2 ng UAAP Season 85 men’s basketball tournament best-of-three championship series laban sa Ateneo de Manila University.
At tiwala ang Fighting Maroons na papanig pa rin sa kanila ang kapalaran sa oras na makaharap nito ang Blue Eagles sa importanteng Game 3 ng finals.
Malaki ang tiwala ni UP ace player Carl Tamayo sa kanyang mga teammates at alam nitong kayang-kaya ng kanilang tropa na madepensahan ang korona.
Kailangan lang aniya na maging handa at maayos na maisakatuparan ang game plan ng kanilang tropa sa game day.
“Confident naman ako sa teammates ko. We just have to prepare well lang and play the right way, and I think we have a big chance to win the championship,” ani Tamayo.
Hindi naman na bago ang Fighting Maroons sa ganitong sitwasyon.
Matatandaang umabot din sa do-or-die ang championship series nang mapanalunan nito ang kanilang korona noon lamang Mayo sa Season 84.
Sa naturang season, nakauna rin ang UP sa Game 1 (81-74) bago maitabla ng Ateneo ang serye sa pamamagitan ng 69-66 panalo sa Game 2.
Subalit nagwagi ang Fighting Maroons sa Game 3 (72-69) para matamis na angkinin ang korona.
At ito ang nais maulit ng UP sa oras na muling magkrus ang kanilang landas ng Ateneo sa rubber match.
“We still have a chance to win in Game 3 hopefully we play the right way. Laban lang hanggang dulo,” ani Tamayo.
Posibleng mabangasan ang lineup ng Fighting Maroons matapos magtamo ng injury ang isa sa key players nitong si Zavier Lucero.
Wala pang pinal na anunsiyo ang pamunuan ng UP kung makalalaro ito sa Game 3.
Kaya naman naghahanda na ang Fighting Maroons coaching staff ng adjustments sakaling hindi makapaglaro si Lucero.
- Latest