Flying Titans nakabalik sa porma!
Creamline lusaw sa F2 Logistics
MANILA, Philippines — Matikas na pinatumba ng Choco Mucho ang Philippine Army sa iskor na 26-24, 25-10, 25-17 upang maganda ang simula ng bagong team nito na wala si head coach Oliver Almadro sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ikatlong panalo ng Flying Titans para palakasin ang tsansa nitong makapasok sa Final Four bitbit ang 3-3 marka.
Wala na sa Choco Mucho si Almadro matapos itong magbitiw bilang head coach.
Humalili bilang interim coach si Edjet Mabbayad.
“Malaking bagay ito (win), naibalik yung kumpiyansa ng mga bata. Medyo hindi maganda ang nangyari sa amin sa past two games ng team,” ani Mabbayad.
Nakalikom si import Odina Aliyeva ng 20 puntos habang nag-ambag si opposite spiker Kat Tolentino ng 14 hits para sa Flying Titans.
Nagsumite naman si Des Cheng ng walong puntos para makatulong sa opensa ng Choco Mucho.
Kailangang maipanalo ng Flying Titans ang huling dalawang krusyal na laban nito kontra sa Creamline Cool Smaßshers sa Nobyembre 17 at Cignal sa Nobyembre 22 para mas tumatag ang pag-asa nito sa semis.
Sa ikalawang laro, naitakas ng F2 Logistics ang 22-25, 23-25, 25-20, 25-19, 15-11 come-from-behind win laban sa Creamline upang lumakas ang pag-asa nito sa Final Four.
Umangat ang Cargo Movers sa 3-2 rekord.
Nadungisan naman ang Cool Smashers na bumagsak sa 5-1 marka.
Gayunpaman, nanatili sa tuktok ng standings ang Creamline dahilan para makisalo ang Chery Tiggo sa No. 1 spot hawak ang parehong 5-1 rekord.
- Latest