Tres ni Matthews nagsalba sa Bucks

Ito ang reaksyon ni Wesley Matthews ng Bucks matapos pumasok ang ibinatong tres sa huling segundo ng laban kontra 76ers.

PHILADELPHIA — Isinalpak ni Wesley Matthews ang isang go-ahead 3-pointer sa huling 23.8 segundo para tulungan ang Milwaukee Bucks na maitakas ang 90-88 panalo sa 76ers.

Humakot si Giannis Antetokounmpo ng 21 points at 13 rebounds para banderahan ang Milwaukee sa kanilang season opening win sa Philadelphia na nakahugot kay James Harden ng 31 markers.

Nagdagdag si center Brook Lopez ng 17 points para sa Bucks, habang nalasap ng 76ers ang ikalawang sunod na kabiguan.

Bumangon ang Philadelphia mula sa 12-point deficit para agawin ang 86-84 abante sa huling dalawang minuto ng fourth quarter.

Ang tres ni Matthews sa natitirang 23.8 segundo ang nagbigay sa Milwaukee ng 89-88 kalamangan kasunod ang mintis na triple ni Harden para sa host team.

Tumapos si big man Joel Embiid na may 15 points at 12 rebounds para sa  76ers.

Sa Los Angeles, naglista si Kawhi Leonard ng 14 points at 7 rebounds para sa una niyang laro matapos ang 16 buwan upang akayin ang Clippers sa 103-97 pagdaig sa Lakers.

Ito ang unang salang ni Leonard matapos magkaroon ng torn ligament sa kanang tuhod sa isang playoff game noong Hunyo ng 2021

Umiskor sina Paul George at John Wall ng tig-15 markers para sa pang-walong panalo ng Clippers sa Lakers, nalasap ang ikalawang dikit na kabiguan ngayong season.

 

Show comments