MANILA, Philippines — Pinabilib ni Darna ang kanyang mga tagahanga matapos nitong silatin ang pinapaboran ng mga karerista na si Mabuhay sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa San Lazaro Leisure Park noong Huwebes ng gabi.
Nagmamadaling lumabas ng aparato si Darna na ginabayan ni jockey Jol Siego para hawakan ang unahan ng may dalawang kabayo ang agwat sa sumusunod na si Pretty Meadow.
Hindi natinag sa unahan si Darna hanggang sa pagsapit ng far turn pero nakalapit naman sa kanya si Eochirunran kaya nagkapanabayan ang dalawa pagdating ng huling kurbada.
Bakbakan sa rektahan ang nasilayan ng mga karerista, nasa bandang labas si Eochirunran habang si Darna ay sa tabing balya dumaan subalit sa huling 100 metro ng laban ay nakuha na ng winning horse ang unahan.
Hinamig ng winning horse owner ang added prize na P10,000 sa pagkakapanalo ni Darna sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nirehistro ni Darna ang 1:30.8 sa 1,400 meter race, dumating na segundo si Eochirunran, tersero si Mabuhay habang pumang-apat si Pretty Meadow.