MANILA, Philippines — Pumanaw na si People’s Journal sports editor Joe Antonio noong Miyerkules ng gabi.
Siya ay 69-anyos.
Ang kanyang mga labi ay nakalagak sa Loyola Commonwealth 2nd floor Diligence room at ang libing ay sa Forest Park Memorial sa Linggo.
Naulila ni Mang Joe ang kanyang asawang si Joe Lita Antonio, anak na si Steve Ovett, daughter in-law na si Princess Anne at mga apong sina Anthony James at Andre Stephen.
Ang tubong Cabiao, Nueva Ecija ay kinahiligan ang sports habang lumalaki, lalo na ang baseball at Tour of Luzon cycling.
Kumuha siya ng kursong BA Marketing sa University of the East bilang isang working student sa Puyat undergarments at nagkaroon ng tsansa sa sportswriting nang makapasa sa exam para makasama sa school organ na Weekly Dawn.
Na-promote siya bilang sports editor at naging managing editor kinalaunan.
Nailunsad ang sportswriting career ni Mang Joe noong 1976 sa ilalim ng pumanaw na ring si sports editor Gus Villanueva nang magkaroon ng bakante sa Times Journal.
Hinawakan ni Mang Joe ang Times Journal sa loob ng 10 taon kasunod ang pamamahala sa Tempo at Manila Times sa post-Edsa era.
Bumalik siya sa Journal family matapos imbitahang maging assistant sports editor ng People’s Journal.
Noong 1987 ay opisyal siyang naging sports editor ng PJ sports section.