CSB mapapalaban sa Perpetual

MANILA, Philippines — Itataya ng College of Saint Benilde ang malinis na rekord nito laban sa University of Perpetual Help System Dalta sa pagpapatuloy ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 98 men’s basketball ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.

Magtutuos ang Blazers at Altas sa alas-12 ng tanghali kasunod ang duwelo ng Lyceum of the Philippines University at Emilio Aguinaldo College sa alas-3 ng hapon.

Hawak ng Benilde ang solong liderato tangan ang imakuladang 2-0 baraha. 

Ang Blazers na lamang ang bukod-tanging koponan na hindi pa nakakatikim ng kabiguan.

Sa kanilang huling laro noong Biyernes, pinatumba ng Blazers ang San Sebastian College-Recoletos 100-94, kung saan pumutok si Migs Ocson na nagtala ng career-high 25 points.

Tinukoy ni Benilde assistant coach Paolo Layug ang Altas na matinik na karibal lalo pa’t galing ito sa kabiguan sa kamay ng Arellano University noon ding Biyernes.

“I have a lot of respect for Perpetual, they are a tough team. If you’re talking about depth, they have one of the deepest teams in the NCAA. I’m sure, they’re going to be more motivated as they’re coming off a loss,” ani Layug.

Si Layug ang pansa­mantalang humalili kay Benilde head coach Charles Tiu na may iniindang karamdamam noong Biyernes.

Sa kabilang banda, mataas ang moral ng Lyceum na sariwa pa sa matamis na 89-81 upset win sa San Beda University noong Sabado.

Ito ang ikalawang upset win ng Pirates matapos ang 76-67 pananaig sa Season 97 runner-up Mapua University noong Miyerkules.

 

Show comments