MANILA, Philippines — Kinapos ang Creamline sa Chinese-Taipei nang umani ito ng dikdikang 26-28, 21-25, 21-25 kabiguan para mahulog sa ikaanim na puwesto sa pagtatapos ng Asian Volleyball Confederation (AVC) Cup for Women kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ito ang pinakamataas na puwestong nakuha ng Pilipinas sa Asian meet sapul noong 1983.
Matatandaang nagtapos sa ikalima ang Pilipinas noong 1983 Asian Championships sa Japan.
Masaya si playmaker Jia Morado sa tagumpay na naibigay ng Cool Smashers sa bansa.
Alam ni Morado na maraming natutunan ang kanilang tropa sa AVC Cup na madadala sa kanilang kampanya sa Premier Volleyball League (PVL).
“Yung mga wins and losses na nakuha namin in this AVC Cup is super priceless talaga. Sobrang makatutulong sa ‘min whether in PVL or kung mabigyan kami uli ng chance internationally, ite-take lang namin,” ani Morado.
Nagawa ito ng Cool Smashers nang wala si team captain Alyssa Valdez na kasalukuyang nagpapagaling matapos magtamo ng dengue.
“Isa siya sa mga inspirasyon namin. Mas masaya sana kung andito si ate Ly. Sobrang sarap sa feeling na nakapagbigay kami ng karangalan sa bansa natin,” dagdag ni Jema Galanza.
Nakalikom si middle blocker Ced Domingo ng 12 puntos habang naglista naman si Michele Gumabao ng siyam na puntos para pamunuan ang Cool Smashers
Nagdagdag naman sina Jeanette Panaga at Galanza ng tig-walong puntos habang kumana naman si two-time MVP Tots Carlos ng pitong puntos.
Nanguna naman para sa Taiwanese squad si Chang Li-Wen na umani ng 18 puntos sa Chinese-Taipei na nakuha ang fifth place spot.