Jalalon nakalimutan ni Victolero sa Game 3

Kinaliwa ni Jio Jalalon ng Magnolia ang kanyang layup laban kay Don Trollano ng NLEX sa Game 3.

MANILA, Philippines — Sa kasagsagan ng ‘do-or-die’ game sa fourth quarter ay binulungan ni Magnolia guard Jio Jalalon si assistant coach Tony Boy Espinosa para sabihin kay coach Chito Victolero na ipasok siya sa laro.

Hindi nga niya binigo si Victolero.

Iniskor ni Jalalon ang pito sa kanyang 16 points sa 112-106 overtime win ng No. 3 Hotshots sa No. 6 NLEX Road Warriors sa Game Three ng 2022 PBA Philippine Cup best-of-three quarterfinals series.

“Gigil na gigil na ako sa labas (bench). Buti pinagbigyan nila ako,” sabi ng 29-anyos na hinugot ng Magnolia sa isang special draft noong 2016. “Si coach Tony Boy, siya ‘iyong binulungan ko at buti ipinasok ako ni coach (Victolero).”

Inamin ni Victolero na nakalimutan nga niya si Jalalon sa dulo ng fourth period dahil sa match-up sa Road Warriors.

“Actually against NLEX,  that’s my dilemma. I have a bad match-up against NLEX,” dahilan ni Victolero. “All of their wing guys, guards are tall so we have a hard time of m­atching up on (Calvin) Oftana and (Don) Trollano.”

Si Paul Lee ang naghatid sa Hotshots sa extra period, 97-97, mula sa kanyang three-point shot sa huling 11.1 segundo sa regulation.

“Iyong shoot ni Paul, iyong laro ni Jio, iyong bulong sa akin, sa Kanya lahat galing iyon,” pagpupuri ni Victolero sa Panginoong Diyos.

Tinapos ng Magnolia ang kanilang quarterfinals showdown ng NLEX sa 2-1 para labanan ang No. 2 at nagdedepensang TNT Tropang Giga sa best-of-seven semifinals series.

Lalabanan naman ng No. 5 Meralco, sinibak ang No. 4 Barangay Ginebra sa quarterfinals, ang No. 1 San Miguel sa isa pang semis duel.

Show comments