MANILA, Philippines — Asahan ang matinding paluan sa pagitan ng Philippine Army at Choco Mucho na mag-uunahang makuha ang ikalawang panalo sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang duwelo ng Lady Troopers at Flying Titans sa alas-2:30 ng hapon habang masisilayan din ang pukpukan ng PLDT Home Fibr at PetroGazz sa alas-5:30 ng hapon.
Maganda ang itinatakbo ng Army na galing sa matikas na panalo sa PetroGazz sa kanilang huling laro.
Sa naturang panalo, bumandera para sa Lady Troopers si opposite spiker at SEA Games veteran Jovelyn Gonzaga na nagpako ng 23 puntos sa kanilang huling laro kontra sa Gazz Angels.
Maliban ay Gonzaga, sasandalan din ng Army si wing spiker Michelle Morente na nagtala ng 13 points at playmaker Ivy Perez na may 21 excellent sets at 10 points.
Ngunit kailangan ng tropa ng solidong suporta mula kina Mary Ann Esguerra, Honey Royse Tubino, Jeanette Villareal, MJ Balse-Pabayo at Nene Bautista para makasabay sa mga bagitong players ng Flying Titans.
Kukuha ng lakas ang Flying Titans kay opposite spiker Kat Tolentino na siyang top scorer ng kanilang tropa.
Aariba rin sina outside hitters Des Cheng at Isa Molde gayundin sina Bea de Leon, Aduke Ogunsanya, Cherry Nunag, Ponggay Gaston at playmaker Deanna Wong.
Wala pang linaw kung makalalaro si Wong matapos magtamo ng injury sa kanilang huling laro.
Nakatali ang Lady Troopers, Flying Titans at High Speed Hitters sa three-way tie sa ikatlong puwesto tangan ang pare-parehong 1-1 marka.
Nangunguna ang Cignal HD na may malinis na 3-0 marka habang nasa ikalawang puwesto ang Open Conference champion Creamline na may 2-0 kartada.