Ramirez handa nang lisanin ang PSC
MANILA, Philippines — Handa na si William ‘Butch’ Ramirez na ipasa ang kanyang trabaho sa susunod na chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) simula sa Hulyo 1.
Sinabi kahapon ni Ramirez sa PSC Hour program na magboboluntaryo siyang maging adviser ng magiging PSC chief kung kinakailangan.
“I will really join the briefing of the incoming chairman, I will really tell him that if you feel comfortable I will volunteer to be your adviser,” wika ng 72-anyos na two-time PSC chairman.
Sa Hunyo 30 matatapos ang termino ni Ramirez sa sports agency kasabay ni Pangulong Rodrigo Duterte na kapwa niya tubong Davao.
Sa kanyang pagbabalik sa probinsya para makasama ang pamilya niya ay aasikasuhin ng dating men’s basketball team coach at Athletic Director ng Ateneo de Davao University ang Mindanao Sports for Peace program.
Magtuturo rin siya ng kursong public administration.
Sa Lunes gagawin ni Ramirez ang pinakahuli niyang flag ceremony sa PSC.
Sa liderato ni Ramirez ay nakamit ng Pinas ang kauna-unahang Olympic Games gold medal mula kay weightlifter Hidilyn Diaz at dalawang beses na hinirang na overall champion ng Southeast Asian Games noong 2005 at 2019.
Solidong suporta rin ang ibinigay ni Ramirez kina two-time World Gymnastics gold medalist Caloy Yulo at World No. 6 pole vaulter Ernest John Obiena.
- Latest