Casio binanderahan ang Blackwater sa pagdaig sa TNT

MANILA, Philippines — Malaking isda ang na­bingwit ng Blackwater ma­tapos gulatin ang nagdedepensang TNT Tropang Giga, 85-78, sa PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Cen­ter sa Antipolo City.

Bumida si veteran guard JVee Casio sa kanyang inis­kor na pitong puntos ng Bossing sa fourth period.

Tinapos ng 2011 No. 1 overall pick ng Powerade ang laro na may 22 points tampok ang limang three-point shots.

“Alam namin na we have a chance if we play to­gether and play as a team,” ani coach Ariel Vanguardia.

Nagdagdag si Baser Amer ng 11 points at may tig-10 markers sina rookie Ato Ular, James Sena at You­sef Taha.

Nadiskaril ang hangad na ikalawang sunod na ratsada ng Tropang Giga para sa kanilang 1-1 baraha.

Mula sa 39-37 abante sa halftime ay kumamada ang Blackwater sa third period para itayo ang 13-point lead, 64-51.

Sa pangunguna ni RR Pogoy ay nakatabla ang TNT sa 78-78 sa huling dalawang minuto ng final canto.

Ang basket ni Casio ang nagbigay sa Bossing ng 80-78 bentahe sa nalalabing 1:22 minuto kasunod ang long jumper niya para sa ka­nilang four-point advantage sa huling 1:06 minuto.

Nagkaroon ng turnover si Jayjay Alejandro sa poses­yon ng Tropang Giga.

Ang resulta nito ay ang tres ng 35-anyos na si Casio sa natitirang 41.4 segundo para sa kanilang panalo.

Show comments