CHARLOTTE, N.C. — Naglista si Miles Bridges ng 26 points at 11 rebounds para akayin ang Hornets sa 107-101 panalo laban sa Utah Jazz at pumuwesto sa No. 9 spot sa Eastern Conference.
Nag-ambag si Terry Rozier ng 25 points kasunod ang 21 markers ni LaMelo Ball para sa Charlotte (38-36) na nagmula sa 15-point loss sa New York Knicks noong Miyerkules.
Umiskor si Donovan Mitchell ng 26 points at may 19 markers si Fil-Am Jordan Clarkson para sa ikatlong sunod na kabiguan ng Utah (45-27) na nagtabla sa kanila sa Dallas Mavericks sa No. 4 spot sa Western Conference.
Matapos isalpak ni Rozier ang dalawang free throws sa huling 17.6 segundo para sa six-point lead ng Hornets ay nagmintis naman si Mitchell sa kanyang 3-point attempt sa huling posesyon ng Jazz.
Sa Atlanta, nagtala si Trae Young ng 33 points at 15 assists sa 121-110 pagdagit ng Hawks (37-37) sa Golden State Warriors (48-26).
Sa Los Angeles, nagtala si James Harden ng 29 points at season-high 15 rebounds sa 122-97 paggupo ng Philadelphia 76ers (46-27) sa Clippers (36-39).
Sa Detroit, kumolekta si Kristaps Porzingis ng 30 points at 10 rebounds sa 100-97 pagtakas ng Washington Wizards (31-42) sa Pistons (20-54).
Sa Miami, humugot si Immanuel Quickley ng 20 sa kanyang 23 points sa fourth quarter para igiya ang New York Knicks (32-42) sa 111-103 pagsapaw sa Heat (47-27).