Bey pumitas ng 51 pts sa panalo ng Pistons sa Magic
ORLANDO, Fla. — Humataw si Saddiq Bey ng career-high na 51 points para tulungan ang Detroit Pistons sa 134-120 paggupo sa Magic at wakasan ang kanilang four-game losing skid.
Dinuplika ni Bey ang franchise record na 10 three-pointers ng sibak nang Detroit (19-51) kasunod ang talsik na ring Orlando (18-53) sa Eastern Conference.
Nagdagdag si Marvin Bagley III ng 20 points at 11 rebounds para sa Pistons.
Nagmula ang Magic, nakahugot kay Franz Wagner ng 26 markers, sa kabiguan sa Brooklyn Nets kamakalawa kung saan nagpasabog si Kyrie Irving ng career-high na 60 points.
“I saw those highlights and it was just very efficient. It was within the flow of the game,” ani Bey sa iniskor ni Irving.
Ang 51 points ni Bey ang pang-walong 50-point game ngayong Marso na pinakamarami sa isang calendar month sa nakaraang 50 seasons, ayon sa ESPN Stats & Information research.
May siyam na 50-point games noong Disyembre ng 1962.
Sa edad na 22-anyos, si Bey ang pinakabatang player na humataw ng 50-point game sa Pistons history.
- Latest