Oranza inagaw ang overall lead ng LBC Ronda Pilipinas

TAGAYTAY CITY — Pinagharian ni Ronald Oranza ng Navy Standard Insurance ang Stage Six para agawin ang overall individual lead kay Jonel Carcueva ng Go for Gold sa 11th LBC Ronda Pilipinas dito kahapon.

Nagtala si Oranza ng tiyempong tatlong oras, 40 minuto at 45 segundo para banderahan ang 148.3-kilometer stage na nagsimula sa Lucena at nagtapos sa harap ng Praying Hands.

Sa pagkopo niya sa overall individual lead ay isusuot ng 2018 Ronda king ang red LBC jersey.

Inunahan ni Oranza sa finish line ang kanyang Navy teammate na si El Joshua Carino (3:42:39) at dating red LBC jersey wearer na si Jan Paul Morales (3:42:41) ng Excellent Noodles.

Umakyat si Oranza sa individual general classification race sa nakolek­tang 18:46:04 habang pu­mangatlo si Carcueva, naglista ng 3:46:09 sa Stage Six, sa kanyang 18:49:01.

Tumibay ang kapit ng mga Navymen sa overall team lead sa kanilang aggregate time na 53:41:57.

 

Show comments