MANILA, Philippines — Pararangalan sina basketball legends Robert Jaworski Sr. at Ramon Fernandez sa San Miguel Corp-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night sa Marso 14.
Igagawad kina Jaworski at Fernandez ang PSA Lifetime Achievement Awards sa gala night sa Diamond Hotel para sa kanilang kontribusyon sa sport na malapit sa puso ng mga Pinoy.
Ang nasabing award ay isa sa mga special recognitions na ibibigay ng pinakamatandang media organization sa bansa sa event na suportado ng mga major partners na Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at Cignal TV.
Sina Jaworski at Fernandez ay miyembro ng star-studded Toyota franchise na nag-debut sa Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA) bago lumipat sa PBA bilang isa sa mga founding members.
Sa likod ng tambalan ng dalawa ay siyam na PBA championships ang inangkin ng mga Tamaraws hanggang ma-disband ang koponan bago magsimula ang 1984 season.
Nagkahiwalay ng landas sina ‘Big J’ at ‘El Presidente’ na sinimulan ng kanilang banggaan sa loob at labas ng hardcourt.
Ang 75-anyos ngayong si Jaworski ang nagtanim para sa Barangay Ginebra ng ‘Never-Say-Die’ spirit at bilang playing-coach ay inihatid ang prangkisa sa apat na PBA crown bago nagretiro noong 1998.