Dedma lang si Majoy Baron
MANILA, Philippines — Dedma si middle blocker Majoy Baron matapos hindi mapasama sa national pool na sasabak sa 31st Southeast Asian Games sa Mayo sa Hanoi, Vietnam.
Naging usap-usapan ang pagkawala ni Baron sa lineup dahil isa ito sa mga itinuturing na pinakamahusay na middle blocker sa kasalukuyan.
Sa katunayan, dalawang beses itong nakasungkit ng Best Middle Blocker award sa Asean Grand Prix.
Naging bahagi na rin ito ng koponang sumabak sa 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia at sa 30th Southeast Asian Games sa Maynila.
Malalim din ang karanasan ni Baron na mi-yembro ng multi-titled F2 Logistics na hawak ni veteran mentor Ramil de Jesus.
Bukod pa rito ang mga koronang napanalunan niya noong naglalaro pa ito para sa De La Salle University sa UAAP.
Kaya naman ilang volleyball fans ang nagtaas ng kilay sa pang-iisnab ng asosasyon kay Baron.
Ilang oras matapos ilabas ang lineup, nagpost si Baron sa kanyang social media account ng makahulugang larawan na tinukoy ng netizens bilang sagot nito sa nangyari.
Gayunpaman, sesentro na muna ang atensiyon ni Baron sa kampanya ng F2 Logistics sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference na sisimulan sa Marso 16.
Inamin din ng kampo ni Baron na nakatanggap ito ng offer para lumahok sa isang national beauty pageant lalo pa’t may gandang Pinay ito na maaring ilaban sa international competitions.
- Latest