Brickman, Heading magkakasubukan sa Taiwan

MANILA, Philippines — Magkakasubukan sina Jason Brickman at Jordan Heading sa umaatikabong salpukan ng Kaohsiung Aquas at Taichung Suns sa T1 League ng Taiwan ngayon sa Kaohsiung Arena.

Paborito sa duwelong nakatakda sa alas-7 ng gabi (Manila time) ang Aquas ni Brickman bilang league-leader hawak ang 9-1 kartada. Nakasakay din sa five-game winning streak ang Aquas bukod pa sa homecourt advantage matapos ang 116-82 panalo sa Taoyuan Leopards sa likod ng 17 puntos, apat na rebounds at siyam na assists ni Brickman.

Subalit hindi basta-basta titiklop ang road team na Suns na sasandal sa liderato ni Gilas Pilipinas guard Heading matapos ang pagliyab nito sa 23 puntos sa nakaraang nilang panalo sa New Taipei CTBC DEA, 99-92.

Dahil sa impresibong laro ni Heading ay umangat na sa 5-5 ang Suns sakay ng tatlong sunod na panalo na balak nilang pahabain kahit pa kontra sa bigating Aquas.

Numero unong selection ng Terrafirma si Heading noong 2021 PBA special draft bago ipahiram muna sa Gilas Pilipinas habang inaasahang si Brickman naman ang isa sa top picks ngayong 2022 PBA Draft.

Show comments