9-diretso sa Chicago
CHICAGO — Nagpasabog si Zach LaVine ng 27 points para pangunahan ang Bulls sa 130-122 pagsuwag sa Wa-shington Wizards diretso sa kanilang pang-siyam na sunod na ratsada.
Lalo pang hinigpitan ng Chicago (26-10) ang kapit sa No. 1 spot sa Eastern Conference at inilaglag ang Washington (19-20) sa ikalawang dikit na kabiguan.
Matapos makatabla ang Wizards sa 87-87 sa third period ay naghulog ang Bulls ng maikling 10-2 bomba sa pangu-nguna ni Lavine patungo sa 122-103 pag-iwan sa Wizards sa huling anim na minuto ng fourth quarter.
Nagdagdag si Coby White ng 21 markers para sa Chicago at may tig-18, 16 at 15 points sina Lonzo Ball at rookie Ayo Dosunmu, Nikola Vucevic at DeMar DeRozan, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Bradley Beal ang Washington sa kanyang 26 points, habang nag-ambag si Kyle Kuzma ng 21 points at 11 rebounds.
Sa New York, nagbalik sa aksyon si Giannis Antetokounmpo at nagposte ng 31 points, 9 rebounds at 7 assists para banderahan ang nagdedepensang Milwaukee Bucks (26-15) sa 121-109 paggupo sa Brooklyn Nets (24-13).
Nagtala si Kevin Durant ng 29 points, 9 rebounds at 7 assists para sa Brooklyn, habang humakot si James Harden ng 16 points, 9 rebounds at 7 assists.
Sa Philadelphia, humakot si Joel Embiid ng 31 points at 12 rebounds sa 119-100 paggupo ng 76ers (22-16) sa San Antonio Spurs (15-23) para sa kanilang ikaanim na dikit na pananalasa.
Sa Toronto, nagsumite si Fred VanVleet ng 37 points, 10 rebounds at 10 assists para sa una niyang career triple-double at iginiya ang Raptors (19-17) sa 122-108 pagdaig sa Utah Jazz (28-11).
- Latest