MANILA, Philippines — Inangkin nina 2019 Southeast Asian Games triathlon double-gold winners John Chicano at Kim Mangrobang ang tiket sa national duathlon team matapos bumandera sa 2021 National Duathlon Trials kamakalawa sa Clark Parade Grounds sa Pampanga.
Nagsumite si Chicano ng bilis na isang oras, 55 minuto at 27 segundo para manguna sa men’s elite kasunod sina Raymund Torio (1:56:49) at Andrew Kim Remolino (1:58:38).
May tiyempo namang 2:14:57 si Mangrobang para pagreynahan ang women’s class sa nasabing run-bike-run event.
Inungusan ni Mang-robang sina Raven Faith Alcoseba (2:16:04) at Alexandra Ganzon (2:16:22) sa national duathlon trials na inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP).
Inaasahang pangu-ngunahan nina Chicano at Mangrobang ang national triathlon at duathlon teams sa paglahok sa 31st SEA Games na idaraos sa Hanoi, Vietnam sa Mayo ng 2022.
Sinabi ni TRAP president Tom Carrasco na pipili pa sila ng dalawa hanggang tatlong miyembro ng national duathlon squad para isama kina Chicano at Mangrobang sa Hanoi SEA Games.
Noong 2019 Philippine SEA Games ay inangkin nina Chicano at Mangrobang ang gold medals sa men’s at women’s indivi-dual kasama ang mixed relay ng triathlon event.