MANILA, Philippines — Sa edad na 40-anyos ay may natitira pang ‘asim’ sa paglalaro si one-time PBA Finals MVP Mac Cardona.
Sa kanyang paglalaro para sa Zamboanga Valientes sa PBA 3x3 tournament ay umaasa siyang may koponan pang makakapansin sa kanyang talento para sa pinapangarap niyang pagreretiro sa pro league.
“Tignan natin kung mabigyan pa tayo dito ng opportunity,” wika ng No. 5 overall pick ng Air21 Express noong 2005 PBA Rookie Draft. “Para maganda iyong pagreretiro ko sa PBA kasi gusto kong mag-retire as a PBA player.”
Naglaro ang five-time PBA All Star sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) kung saan niya iginiya ang San Juan Knights sa kampeonato laban sa Davao Occidental Tigers noong 2019 Datu Cup Finals.
Kasangga ni Cardona sa Valientes sina JR Cawaling, Kyle Neypes at Gino Jumao-as sa PBA 3x3 na bubuksan sa Nob-yembre 20 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang Zamboanga ay nasa Pool A kasama ng TNT Tropang Giga, Limitless Appmasters, Platinum Karaoke at Purefoods TJ Titans, habang nasa Pool B ang Barangay Ginebra, Terrafirma, Meralco at Sista Super Sealers.
Ang Pool C ay binubuo ng San Miguel, CAVITEX, Pioneer Pro Tibay at NorthPort.
Hinirang si Cardona, dating kamador ng De La Salle Green Archers sa UAAP, bilang PBA Best Player of the Conference noong 2007 Fiesta Conference at Finals MVP noong 2008-09 Philippine Cup bilang Talk ‘N Text player.
Ang top three teams sa Pool A at ang top two squads sa Pools B at C ang aabante sa knockout quarterfinals matapos ang single round elimination.