GAB binawi ang lisensiya ng 10-sangkot sa VisMin Cup controversy

MANILA, Philippines — Tinanggalan ng Games and Amusements Board (GAB) ng lisensya ang 10 personalidad na sangkot sa kontrobersiyal na laro ng Pilipinas VisMin Super Cup sa pagitan ng Siquijor Mystics at ARQ Builders-Lapu-Lapu noong Abril.

Matapos ang anim na buwang imbestigasyon, ni-revoke ng GAB ang professional license nina Siquijor players Frederick Rodriguez, Juan Aspiras, Joseph Quiro, Jan Peñaflor, Desmore Alcober, Gene Belleza, Michael Calomot, Ryan Buenafe at John Buenafe kasama si head coach Joel Palapal.

Hindi rin nakaligtas ang koponan ng Lapu-Lapu matapos masuspinde ang anim na manlalaro at tatlong coaches nito.

Napatawan ng anim na buwang suspensyon sina Rendell Senining, Jercules Tangkay, Reed Juntilla at head coach Francis Auquico habang suspendido ng tatlong buwan sina Franz Arong, Dawn Ochea at Ferdinand Lusdoc pati sina assistant coaches Jerry Abuyabor at Alex Cainglet.

Ayon sa GAB ay kabuuang 29 indibidwal ang dumaan sa masusing im-bestigasyon at ang 10 dito ay napawalang-sala dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Nalagay sa sentro ng kontrobersiya ang mga naturang personalidad noong Abril 14 nang mahinto ang kanilang laro sa halftime dahil sa di-umano’y game-fixing.

Napansin sa laro ang sadyaang pagsablay ng mga manlalaro na nagdulot sa pinagsamang 4-of-29 free throw shooting ng dalawang koponan. Ang Siquijor ay blanko sa 10 free throw attempts sahog ang 14 fouls sa first half pa lang.

Show comments