TOKYO — Naging mabisa ang estratehiya ni Pinay flyweight Irish Magno na nirapido ang kalabang si Christine Ongare ng Kenya para sa kanyang unanimous decision win papasok sa round-of-16 ng 32nd Olympiad boxing competitions kahapon.
Pambawi ang panalo ni Magno sa kabiguan nina rower Cris Nievarez at shooter Jason Valdez.
Mula sa first round hanggang sa third round ay dinomina ng 29-anyos na si Magno ang laban para samahan sina featherweight Nesthy Petecio na nanalo rin sa kanyang unang laban.
Tinalo ni Petecio si Marcelat Matshiu Sakobi ng Congo sa first round
Si Eumir Felix Marcial ay nakakuha ng first-round bye.
“Laban lang fight after fight. Focus lang, huwag muna mag-aim high,” ani Magno na susunod na lalabanan si Jutamas Jitpong ng Thailand.
Nagkita na sina Magno at Jitpong nang magsanay ang mga Pinoy boxers sa Thailand kasabay ang mga Thai fighters.
Dalawang boxers ang nakatakdang sumalang ngayon para makausad palapit sa Olympic gold.
Nakatakdang labanan ni Petecio si Lin Yu-ting ng Chinese Taipei ngayong alas-11 ng umaga sa round-of-16 habang unang salang naman ni flyweight Carlo Paalam na makakatapat si Brendan Irvine ng Ireland sa round-of-32.
Sa 19 atletang lahok ng Pinas, nalagasan na ng tatlo ang pag-asa ng Pinas sa mailap na Olympic gold sa pagkakasibak sa kontensiyon ni Nievarez at Valdez matapos si taekwondo jin na si Kurt Barbosa na bigong makausad sa men’s -58kg event kamakalawa.
Ang 21-anyos na si Nievarez ay nahulog sa classifications nang hindi mapabilang sa top three finishers sa Heat 4 ng men’s single sculls quarterfinals.
Tumapos ang tubong Atimon, Quezon sa pang-lima sa kanyang itinalang 7:50.74 at hangad na lamang mapaganda ang kanyang puwesto.
Nasibak na rin sa kompetisyon si shooter Jayson Valdez na nagtapos bilang ika-44 mula sa 47 lahok sa men’s 10-meter air rifle.
Sa mga late events kamakalawa, bigo rin si Fil-Am swimmer Remedy Rule na makasama sa semifinals ng women’s 100-meter butterfly nang magtapos na pang-25 sa kanyang isinumiteng 59.68 segundo sa Heat 2.
May laban pa si Rule sa paglangoy sa 200m butterfly bukas.