MANILA, Philippines — Para makaiwas sa coronavirus disease (COVID-19) ay pansamantalang tumutuloy ngayon si Olympic Games-bound weightlifter Elreen Ann Ando sa isang hotel sa Cebu City.
“Kailangan kasi dobleng ingat sa COVID. Sa bahay namin kasi ang daming tao doon kaya pinili ng coach ko na mag-hotel na lang muna kami,” wika ng 22-anyos na si Ando.
Sa nasabing hotel ginagawa ni Ando ang kanyang paghahanda para sa Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan.
Plano ng grupo ni Ando na magtungo sa Tokyo sa Hulyo 19 para magkaroon ng sapat na panahong makapaghanda para sa quadrennial event.
Magsisimula ang weightlifting competition ng Tokyo Olympics sa Hulyo 24 sa Tokyo International Forum, habang bubuksan ni Ando ang kanyang kampanya sa women’s -64 kilogram class sa Hulyo 27.
Mula sa pagiging Class C athlete ay itinaas si Ando ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Class A na tumatanggap ng monthly allowance na P43,000.
“Malaki talaga iyong changes kasi dati iyong allowance ko parang saktung-sakto lang pambayad ng kuryente, pambili ng vitamins,” ani Ando. “Ngayon medyo malaki-laki (allowance) na rin kasi mabibili ko na iyong mga kailangan kong vitamins.”
Ang 22-anyos na si Ando ang ikalawang national weightlifter na isasabak ng bansa sa Tokyo Olympics matapos si 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalist Hidilyn Diaz.
Kabilang sina Ando at Diaz sa 15 atletang Olympic qualifiers na inaasahan pang madaragdagan.