Lakers lusot sa Magic

LOS ANGELES — Umiskor si guard Dennis Schröder ng 24 points kasunod ang 21 markers ni Kyle Kuzma para pangunahan ang nagdedepensang Lakers sa 96-93 paglusot sa Orlando Magic.

Nagdagdag si big man Montrezl Harrell ng 18 points para sa Los Angeles (30-17) na naitala ang ikalawang sunod na panalo bagama’t wala sina LeBron James at Anthony Davis.

Pinangunahan ni Dwayne Bacon ang Ma­gic (15-31) sa kanyang 26 points habang may 14 markes si Chuma Okeke.

Sa Denver, umiskor si Aaron Gordon ng 13 points sa kanyang debut para sa Nuggets (28-18) at kumolekta si Nikola Jokic ng 16 points, 10 rebounds at 8 assists sa 126-102 paglampaso sa Atlanta Hawks (23-23).

Binanderahan ni Trae Young ang Hawks sa kanyang 21 points at 7 assists, habang may 14 markers si Danilo Gallinari.

Sa Tampa, Florida, humugot si CJ McCollum ng pito sa kanyang 23 points sa huling dalawang minuto ng laro habang tumipa si Damian Lillard ng 22 points at 11 assists para igiya ang Portland Trail Blazers (28-18) sa 122-117 panalo sa Toronto Raptors (18-28).

Tumapos si Pascal Siakam na may 26 points at 8 rebounds sa panig ng Raptors na nakahugot kay Fred VanVleet ng 20 markers at 8 assists.

Sa Charlotte, kumamada si Devin Booker ng 35 points at may 16 markers si Chris Paul para sa 101-97 overtime win ng Phoenix Suns (31-14) sa Hornets (23-22).

Pinamunuan ni Devonte Graham ang Hornets sa kanyang 30 points habang may 22, 18 at 15 markers sina Terry Rozier, Miles Bridges at Gordon Hayward, ayon sa pagkakasunod.

Show comments