Tinaguriang PBA Ironman si LA Tenorio dahil sa kanyang kagila-gilalas na record streak sa paglalaro simula nang pumasok sa liga bilang No. 4 pick overall ng San Miguel Beer noong 2006.
Malaking sangkap ng kanyang longevity ang pagiging crunch time player na ipinakikita niya hanggang sa ngayon.
Kung natapos ang Ginebra-TNT titular series noong Linggo, malamang na siya ang Finals MVP.
Never siyang nanalo ng season MVP award pero tatlong Finals MVP ang kanyang tangan.
Highlight din ng kanyang career ang MVP award sa 2012 Jones Cup kung saan binuhat niya ang Gilas upang gulantangin ang Team USA sa pinaka-importanteng laban.
Buo ang dibdib. Lumulutang sa make-or-break moment.
Sa edad na 36, nasa kanya pa rin ang karakter na ito.
Mapapansin na mababa sa kanyang career norms ang kanyang mga numero sa kasalukuyang PBA tournament.
Sa pagtatapos ng semifinal round, hindi siya nasama sa Top 15 sa stats race. Sa halip, pasok ang kanyang mga teammates na sina Stanley Pringle, Scottie Thompson at Japeth Aguilar.
Pero dahil crunch time na ng bubble tourney, nandiyan na si Tenorio.
Malaking factor siya sa kanilang come-from-behind 100-94 overtime win sa Game 1.
At nagbabaga ang kanyang mga three-pointers na pumatay sa rally ng TNT Tropang Giga sa Game 4 (98-88).
Saludo ako sayo, Tinyente LA!