MANILA, Philippines — Sa Laguna na lang imbes na sa Batangas gagawin ng Talk N Text ang planong bubble training camp kapag pinayagan na ng government agencies.
Depende sa greenlight ng Games and Amusement Board (GAB) at ng Local Government Unit (LGU), sa Inspire Sports Academy sa Calamba ang bagong training site ng KaTropa mula sa Splendido Hotel sa Laurel, Batangas.
Ang naturang Calamba training camp din ang magiging venue ng Chooks-to-Go 3x3 Pilipinas League kapag pinayagan na itong simulan ang una nilang torneo bilang pinakabagong pro-league sa ilalim ng GAB.
Kung sakali, tanging ang TNT lamang mula sa 12 na PBA teams ang magkakaroon ng bubble training sa labas ng Metro Manila at ang iba ay closed circuit.
Kasalukuyan pang pinag-aaralan ng medical division ng GAB ang bubble proposal TNT habang naghihintay ng approval mula sa LGU ang koponan.
Bukod dito, nag-aabang din ang Ka-Tropa gayundin ang iba pang PBA teams ng resulta ng COVID-19 swab testing noong nakaraang linggo upang makalarga na sa training.
Mahigpit na ipapatupad ng PBA teams ang guidelines at protocols ayon sa Joint Administrative Order ng GAB, PSC at DOH. Una nito ang limitadong training na per batch at bubuuin lamang ng apat na manlalaro, isang trainer at isang health officer.
Limang buwan nang pahinga ang PBA sapul nang matigil ang aksyon noong Marso sa pagputok ng pandemya.