MANILA, Philippines — May 100 personnel pa ang Philippine Sports Commission (PSC) na isasailalim sa swab tests para sa coronavirus disease (COVID-19) sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Vito Cruz, Manila.
Gagawin ito ng PSC bukas sa kanilang mga security personnel at medical staff pagkatapos ma-test ang skeletal workforce nila noong Huwebes.
Nagtayo ang PSC Medical Scientific Athletes Service (MSAS) Unit ng swabbing area sa labas ng administrative building ng PSC.
“This is one of the efforts of the PSC in ensuring the safety of our employees,” wika ni MSAS official Ellen Constantino.
Dumaan din sa swab tests ang kanilang mga kawani sa PhilSports Complex sa Pasig City noong Biyernes kasama ang natitirang 18 athletes at apat na coaches na nananatili sa PSC dormitory.
Ginamit ang ilang pasilidad ng sports agency para sa mga nagposi-tibo sa COVID-19. Noong Hunyo 9 pinauwi ang 123 pasyente mula sa Ninoy Aquino Stadium (NAS), isa sa mga PSC facilities na ginawang We Heal as One Centers.