MIAMI — Posibleng umabot ng isang buwan ang suspensyon ng mga laro ng National Basketball Associaiton dahil sa coronavirus (COVID-19) pandemic.
Ito ang babasag sa huling buwan ng regular season ng liga, ayon kay NBA Commissioner Adam Silver.
“What we determined today is that this hiatus will be, most likely, at least 30 days,” wika ni Silver sa TNT “Inside The NBA” program.
Noong Miyerkules ay sinuspindi ng NBA ang kanilang mga laro matapos maging positibo si Utah Jazz center Rudy Gobert sa pagkakaroon ng COVID-19.
Positibo rin ang kanyang Jazz teammate na si Donovan Mitchell.
Nauna nang itinakda ang pagsasara ng regular season sa Abril 15 kasunod ang playoffs na magsisimula sa Abril 18.
Walang indikasyon na ikukunsidera ng NBA ang pagputol ng kanilang regular season o ng playoffs.
“Once the 30 days is up, the question becomes is there a protocol, frankly, with or without fans, where we can resume play,” wika ni Silver.
“Up to a few days ago or even yesterday, the experts were unclear as to whether, as a public health matter, NBA arenas should be emptied,” dagdag pa ng Commissioner.
Natalakay din ang posibleng pagdaraos ng mga closed-doors games.
Ngayon ay sinabihan ang mga NBA players na manatili sa siyudad ng kanilang mga koponan hanggang Lunes.
Hindi rin pinayagan ang pagkakaroon ng mga group workouts at practice, habang nakabantay naman ang mga team medical staff sa kanilang mga players.
May epekto rin ang pagkalat ng COVID-19 sa kalakaran sa NBA, ayon kay Golden State Warriors team owner Joe Lacob.
“We just lost virtually all of our revenues for the foreseeable future,” wika ng masters degree holder sa public health sa University of California, Los Angeles. “But we have huge expenses that aren’t going away. I feel for these part-time employees and local restaurants and Uber drivers and all of the service people that make their living in and around events like ours.”