Orcollo hindi mapigilan sa pagtumbok ng panalo

MANILA, Philippines — Hindi maawat si dating world champion Dennis Orcollo matapos niyang  ma­sik­wat ang pang-limang billiards championship sa taong ito.

Inilabas ni Orcollo ang malalim niyang karanasan para igupo si Aloysius Yapp ng Singapore upang magkampeon sa 2020 Scotty Townsend Memorial 10-Ball Championships na ginanap sa West Monroe sa Los Angeles, California.

Naibulsa ng Surigao del Sur pride ang $1,700 premyo, habang nagkasya naman si Yapp sa $1,020 runner-up purse.

Sa kabuuan, may limang titulo na si Orcollo sa 2020 season para mapatatag ang kapit sa No. 1 spot sa Az Billiards World Money Maker list tangan ang tumataginting na $58,650 total prize.

Nasungkit ni Orcollo ang $20,000 nang hablutin ang Master of the Table crown sa 2020 Derby City Classic noong Pebrero sa Elizabeth, Indiana sa Amerika.

Maliban sa Master of the Table, napasakamay din ni Orcollo ang titulo ng 2020 Derby City Classic 9-Ball Banks Division para makuha ang $16,000 top prize.

Pinagharian din ni Orcollo ang 6th Texas Open 10-Ball Championship sa Round Rock sa Texas at ang 2020 Music City Classic Midnight Madness sa Ma­dison, Tennessee na parehong ginanap noong Enero.

Sa dalawang naturang torneo, nakapag-uwi si Orcollo ng tig-$4,000 cash prize.

May isang runner-up trophy rin siya at tatlong third-place finishes sa magkakaibang torneo sa Amerika.

Show comments