Magno, Paalam sumuntok ng tiket sa quarterfinals
MANILA, Philippines — Dalawa pang Pinoy boxers ang umusad sa quarterfinals para makalapit sa Olympic slot sa 2020 Asian-Oceanian Continental Olympic Qualifying Tournament sa Amman, Jordan.
Nagtala ng panalo sina Irish Magno at Carlo Paalam sa kani-kanilang dibisyon, habang tuluyan nang namaalam sa kontensyon si Ian Clark Bautista sa men’s featherweight class.
Walang sinayang na sandali si Magno nang pakawalan niya ang matatalim na suntok para makuha ang second-round referee-stopped-contest win laban kay Winnie Au Yin Yin ng Hong Kong sa women’s flyweight category.
Hindi rin nakaporma sa tikas ni Paalam si Ramish Rahmani ng Afghanistan matapos itarak ang unanimous decision win sa kanilang bakbakan sa men’s flyweight class.
Subalit daraan sa matinding pagsubok si Magno bago makahirit ng tiket sa Olympics dahil makakasagupa niya si second seed at Asian champion Mery Kom Hmangte ng India na sumibak kay Tasmyn Benny ng New Zealand.
Sasagupain ni Paalam si top seed Amit ng India na naitakas ang 3-2 split decision win kay Enkhmandakh Kharkhuu ng Mongolia sa hiwalay na second round match.
Nakalasap si Bautista ng kabiguan kay Southeast Asian Games champion Butdee Chatchai-Decha ng Thailand.
Nakatakda namang humirit ng tiket para sa Tokyo Olympics sina Nesthy Petecio at Eumir Felix Marcial kagabi.
- Latest