MANILA, Philippines — Kumpleto na ang Final Four cast ng Philippine Collegiate Champions League (PCCL).
Nakasabit sa semifinals ang University of Visayas Green Lancers matapos daigin ang CESAFI champion na Southwestern University-PHINMA Cobras sa Visayas-Mindanao Championships na tinaguriang Escandor Cup sa Lamberto Macias Sports and Cultural Center sa Dumaguete City.
Winalis ng UV ang Escandor Cup matapos ang panalo kontra sa Holy Trinity College, 97-79 at Asian College Dumaguete, 86-69.
Matamis na higanti rin ito para sa UV na natalo sa CESAFI Finals.
Bumida para sa Green Lancers sina Michael Mestre at Melvin Butohan na may 15 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
Sinamahan ng UV ang UP Maroons, UAAP champion na Ateneo at NCAA runner-up na San Beda sa Final Four ng liga.
Nakapasok ang UP sa semis matapos pagharian ang Luzon Qualifiers, habang ang Blue Eagles naman ang namayani sa NCR meet na UAAP-NCAA Challenge.
Isa-isang tinambakan ng Blue Eagles ang UST Tigers, Letran Knights at San Beda Red Lions.
Nakahabol din ang Red Lions sa PCCL Final Four matapos daigin ang Tigers sa playoffs.
Didribol ngayong hapon ang Final Four sa Ynares Sports Arena.