MANILA, Philippines — Posibleng maging sandata si Sol Mercado ng Alab Pilipinas sa 2019-2020 ASEAN Basketball League.
Ito ay matapos siyang sumali sa pagsasanay ng Philippine contingent habang wala pang kasiguruhan ang kanyang stint sa Philippine Basketball Association.
Bagama’t inamin naman ni Mercado na inalok na siya ng roster spot sa Alab ay wala pa siyang pinal na desisyon dahil bahagi lamang ito ng kanyang pagpapanatiling kundisyon sakaling magkaroon ng bagong oportunidad.
Ang isang oportunidad na tinutukoy ni Mercado ay ang PBA return niya na nadiskaril matapos hindi maplantsa ang kontrata sa Phoenix.
Nalipat si Mercado mula sa NorthPort sa kasagsagan ng offseason patungo sa Phoenix kapalit nina LA Revilla at Rey Guevarra.
Ngayon ay patuloy ang kanyang training sa San Miguel-backed franchise sa ilalim ni head coach Jimmy Alapag na malapit niyang kaibigan.
Nasa Alab din ang long-time teammate niya sa Barangay Ginebra na si import Justin Brownlee.
Nananatiling bukas ang options ng beteranong guwardiya kung babalik sa PBA o lalaro muna para sa Alab sa natitirang bahagi ng 2020 Season.
Bukas magsisimula ang 2020 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.