MANILA, Philippines — Inaasahang mapupuno ng mga bituin ang Centennial Hall ng Manila Hotel ngayong gabi.
Pormal na igagawad sa Team Philippines, naghari sa 30th Southeast Asian Games, ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang Athlete of the Year trophy.
Ang delegasyon ay pinamunuan nina world champion at double gold winner Carlos Yulo, women’s world boxing queen Nesthy Petecio at 2016 Olympics silver medalist Hidilyn Diaz.
Ang Team Philippine ang mangunguna sa listahan ng mga sports stars at personalities na pararangalan sa SMC-PSA Annual Awards Night.
Humakot ang host country ng kabuuang 149 golds, 117 silvers at 121 bronzes para angkinin ang overall title ng biennial meet noong nakalipas na taon.
Tatanggapin ng Team Philippines ang Athlete of the Year trophy sa two-hour program na suportado rin ng Philippine Basketball Association, AirAsia at Rain or Shine.
Bibigyan naman ng citations ang lahat ng gold medal winners na bahagi ng halos 200 awardees na bumubuo sa 2019 honor roll list.
Sasamahan nina Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez, Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino, International Olympic Committee (IOC) representative Mikee Cojuangco Jaworski at Deputy House Speaker at NorthPort team owner Mikee Romero ang pinakamatandang media organization sa pamumuno ng presidente nitong si Tito S. Talao, ang sports editor ng Manila Bulletin, sa pagkilala sa mga atletang nagbigay ng karangalan sa bansa sa nakaraang taon.
Ang 65-anyos na si billiards legend Efren ‘Bata’ Reyes, bahagi ng Filipino delegation sa 2019 SEA Games, ang magiging special guest speaker sa gala night na inihahandog ng PSC, Milo at Cignal TV.
Ibibigay sa legendary pool icon ang Lifetime Achievement Award ng sportswriting fraternity.
Inimbitahan din sa annual event si House Speaker Alan Peter Cayetano, ang chairman of the Philippine SEA Games Organizing Committe.
Ibibigay kay Yulo, nakuha ang tiket sa Tokyo Olympics matapos maging unang Filipino at male gymnast mula sa Southeast Asia na nanalo ng gold medal sa World Artistic Gymnastics, ang PSA President’s Award.