MANILA, Philippines — Umabante sa quarterfinals sina Nesthy Petecio at Riza Pasuit para makalapit sa inaasam na tiket sa 2020 Tokyo Olympics sa ginaganap na 2020 Asian-Oceanian Continental Olympic Qualifying Tournament kahapon sa Amman, Jordan.
Walang sinayang na sandali si Petecio nang kubrahin ang matikas na 5-0 unanimous decision win laban kay Krismi Lankapurayalage ng Sri Lanka para umabante sa quarterfinals ng women’s featherweight class.
“Sobrang focused ako dito. Baka ito na ang last chance ko to be an Olympian. Kailangang seryosohin lahat ng laban,” ani Petecio, ang gold medalist sa AIBA Women’s World Championships.
Sasagupain ni Petecio sa quarterfinals sa Linggo si Japanese Sena Irie na umiskor ng 5-0 win kontra kay Amy Andrew ng New Zealand.
Sa kabilang banda ay nag-aalab din si Pasuit nang itakas ang 3-2 split decision win laban kay Hamamoto Saya ng Japan sa women’s lightweight category.
Mapapalaban nang husto si Pasuit sa quarterfinals dahil haharapin niya si third seed Wu Shih-Yi ng Chinese-Taipei na nabiyayaan ng first-round bye.
Isang panalo na lamang ang kailangang makuha nina Petecio at Pasuit upang makasikwat ng tiket sa 2020 Olympic Games na idaraos sa Tokyo, Japan sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9.
Nakatakda namang sumalang sina AIBA Men’s World Championships silver medalist Eumir Felix Marcial at James Palicte sa kani-kanilang dibisyon.
Lalarga si Marcila laban kay Australian Kirra Ruston sa men’s middleweight at aarangkada si Palicte kontra kay Elnur Abduraimov ng Uzbekistan sa men’s light welterweight class.