MANILA, Philippines – Sa pagkawala ng kanyang twin tower tandem, mas malaking sapatos ngayon ang kailangang punan ni Japeth Aguilar para sa 2020 PBA Philippine Cup.
Subalit kasabay nito ay mas magandang performance rin ang inaasahan ni Barangay Ginebra coach Tim Cone sa kanyang prized big man para sa misyong madala sa makasaysayang All-Filipino Conference championship ang Gin Kings.
Ayon kay Cone, aabangan niya ang lalong paglakas ni Aguilar ngayong wala na siyang katambal sa ilalim na bagay na magpupuwersa sa kanya upang ibuhos ang lahat ng lakas at maging isa sa pinakamadominanteng big man sa liga.
Nauna nang napilayan ang Ginebra sa offseason makaaran ang pagkopo sa 2019 Governors’ Cup matapos ang desisyon ni seven-foot center Greg Slaughter na magpahinga muna sa basketball kasunod ng pagkapaso ng kanyang kontrata.
Beterano ng Gilas Pilipinas, masusubukan si Aguilar bilang lone giant ng Gin Kings lalo’t hindi pa rin makakalaro si Joe Devance matapos sumailalim sa stem cell therapy para pagalingin ang kanyang sunud-sunod na injuries.
Sa kabutihang palad ay buo ang kumpiyansa ng 6’8 forward lalo’t kagagaling lamang niya sa pambihirang Govs’ Cup campaign kung saan siya nagrehistro ng mga averages na 17.4 points, 7.0 rebounds at 3.4 blocks.
Bunsod nito ay nagwagi si Aguilar ng Finals MVP gayundin ang Gin Kings, 4-1, para sa ikatlong Govs’ Cup crown sa nakalipas na apat na taon.
Sa Biyernes sa Smart Araneta Coliseum na ilalarga ang 2020 PBA Philippine Cup subalit sa Marso 14 pa magbubukas ng kampanya si Aguilar at ang Gin Kings kontra sa Blackwater sa Balanga, Bataan.
Makakasama ni Aguilar sa pagtimon sa crowd darling sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Stanley Pringle, Jeff Chan, Aljon Mariano, Prince Caperal at kasama sina rookies Jerrick Balanza at Arvin Tolentino.