Embiid pinagmulta ng $25K; Suspended without pay si Monk
NEW YORK – Pinatawan ng NBA si Philadelphia 76ers center Joel Embiid ng multang $25,000 (halos P1.2 milyon) dalawang araw matapos ang kanyang ‘obscene gesture’ sa court at paggamit ng ‘profane language’ sa isang live television interview.
“The amount reflects his multiple prior violations of acceptable on-court decorum,” pahayag ng NBA kahapon.
Ang nasabing ‘obscene gesture’ ay ginawa ni Embiid sa huling 17 segundo ng fourth quarter sa 129-112 panalo ng 76ers laban sa Atlanta Hawks noong Lunes.
Sa pagkaupos ng oras ay mula sa likuran ay tinapik ni Kevin Huerter ng Atlanta ang bola kay Embiid na gustong ubusin ang oras sa pagdi-dribble.
Gumanti si Embiid at binigyan si Huerter ng dirty finger.
Matapos ito ay humingi ng paumanhin si Embiid.
Humataw si Embiid ng career-high na 49 points sa nasabing laro.
Sa Charlotte, sinuspinde ng NBA si Hornets guard Malik Monk nang walang bayad matapos lumabag sa NBA/NBPA anti-drug program.
Magsisimula ang suspensyon ni Monk sa laro ng Charlotte laban sa New York Knicks.
Nagposte ang third-year reserve mula sa Kentucky University ng mga averages na 10.3 points at 2.9 rebounds sa 21 minutes per game ngayong season para sa Hornets.
Itinaas naman niya ang kanyang average sa 18.2 points per game sa huling pitong laro ng Charlotte.
- Latest