Acaylar kumpiyansa sa laro ng Perpetual Altas

MANILA, Philippines — Umaasa si Perpetual Help Altas head coach Sammy Acaylar na maitutuloy ng kanyang koponan ang pag-ariba hanggang sa dulo kasabay ng mahabang pahinga bunsod ng pagkakaantala ng NCAA indoor volleyball tournament.

Pinagpaliban ng pamunuan ng NCAA ang lahat ng second semester sports nito, kabilang na ang men’s at women’s indoor volleyball, dahil sa banta na dala ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Winalis ng defending champions ang single-round eliminations dalawang linggo na ang nakakaraan para maselyuhan ang puwesto sa championship round ng torneo at hihintayin kung sino sa Arellano, Saint Benilde at Emilio Aguinaldo College ang makakaharap nila para sa kampeonato.

Mahaba man ang hihintayin ng tropa para sumalang sa finals ay focus pa rin sila sa kanilang pagsasa­nay para maibulsa ang minimithing ika-13 korona sa liga katabla ang Colegio de San Juan de Letran.

“We do regular practice and tune-up games against other commercial teams and UAAP teams to stay in-focus,” sabi ni Acaylar. “We will correct all the lapses and errors in plays and improve to almost perfect receive, defense and blockings.”

Kumpiyansa si Acaylar na makakamit nila ang ‘three-peat’.

Show comments